MANILA, Philippines - Maghahain ng motion for reconsideration (MR) sa Commission on Elections en banc first division si Puerto Princesa Rep. Abraham Mitra matapos itong idiskwalipika sa pagka-gobernatorial candidate dahil sa residency requirement.
Ayon kay Atty. Sixto Brillantes, abogado ni Mitra, hiniling nila sa first division na ipagpaliban muna ang promulgation kanina sa kaso habang iniimbestigahan pa ng Comelec ang pagkalat ng draft decision subalit hindi sila pinagbigyan ng mga Commissioner nito.
Nauna rito, naghain si Brillantes ng manifestation kaugnay ng pagkalat sa Palawan ng naturang draft decision mula sa kampo ni Pepito Alvarez na kalaban naman ni Mitra sa pagka gobernador.
Sinabi ni Comelec Commissioner Gregorio Larazabal, ang may akda ng desisyon, na saka na lamang isasagawa ang imbestigasyon kung may mga testigo nang maihaharap sa Comelec hinggil sa pagkalat ng draft decision.
Nanindigan naman si Brillantes na “highly irregular” ang pagkalat ng draft decision na hindi dapat palampasin ng Comelec.
Binigyang diin nito na bagamat magkaiba ang pagkakasulat ng draft decision kumpara sa ipinalabas na resolusyon ng first division, kapansin-pansin naman anya na magkapareho ang nilalaman nito hinggil sa mga inilatag na basehan ng pag-disqualify kay Mitra. (Gemma Garcia)