Spokesman ng Palasyo kinuwestiyon sa dual citizenship
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon kahapon ng ilang senador ang panunungkulan sa Malacañang ni Deputy Presidential spokesman Gary Olivar matapos matuklasan na dalawa ang citizenship nito. Si Olivar umano ay dual citizen o Filipino at American citizen.
Ayon kay Senator Aquilino Pimentel Jr., kuwestiyonable ang pagiging empleyado ng Palasyo ni Olivar dahil labag umano ito sa dual citizenship law.
Nakatadhana sa Republic Act 9225 o dual citizenship law na dapat munang iwaksi o talikuran ng isang Filipino ang kaniyang foreign citizenship bago tanggapin ang appointment sa anumang pwesto sa pamahalaan. Halos ganito rin umano ang dapat gawin ng isang Filipino na may dual citizenship kung tatakbo sa isang public position.
Sa dual citizenship law na naging batas noong Agosto 2003, nakasaad na kahit may pangalawang citizenship ang isang Pinoy, taglay pa rin nito ang lahat ng karapatan ng karaniwang Filipino katulad ng pagboto, makabili ng real property, karapatang makapag negosyo at magagamit pa rin ang kaniyang Philippine passport.
Pero iniuutos din na bago humawak ng public position, kailangan muna ng isang dual citizen na manumpa na tinatalikuran na niya ang katapatan sa bansa kung saan nakakuha ito ng foreign citizenship. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending