MANILA, Philippines - Poproteksyunan ng hukbo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tinatayang 49.9 milyong boto ng mga botante sa bansa upang mapanatili ang kasagraduhan, mapairal ang demokrasya at maluklok sa puwesto ang tunay na inihalal na mga kandidato kaugnay ng nalalapit na May 10, 2010 national polls.
Kasabay nito ay buburahin na rin ang maling impresyon sa paratang ng mga kritiko hinggil sa pagkakasangkot umano ng ilang mga heneral sa ‘Hello Garci scandal’ o ang malawakang dayaan sa eleksyon noong 2004.
Sa ginanap na “Protect the Votes’ Bike-A-Thon ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force kahapon kung saan pumadyak ng kanilang mga bisikleta ang mga cyclist na heneral, iba pang senior officers ng naturang mga hukbo ng AFP ay tiniyak ng mga ito na isusulong nila ang Advocacy for Credible Elections o ACE.
Ang 3.5 kilometrong Bike-A-Thon ay pinangunahan nina Army Chief Lt. Gen. Delfin Bangit, Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ferdinand Golez at Philippine Air Force Chief Lt. Gen. Oscar Rabena.
Sa panayam, sinabi ni Golez na krusyal ang 2010 national elections sa darating na Mayo kaya tinitiyak nila ang ‘total commitment’ ng buong hukbo ng AFP para maipatupad ang malinis at tapat na halalan na walang sinumang kinikilingan sa hanay ng mga kandidato. (Joy Cantos)