MANILA, Philippines - Bubuhayin ni dating Department of Environment and Natural Resources Secretary Lito Atienza ang Baywalk sa Roxas Boulevard sakaling muli siyang mahalal na alkalde sa Maynila.
Tiniyak ni Atienza na, sa kanyang pagbabalik sa Manila City Hall, isang ma ayos, malinis at kaakit-akit na Baywalk ang kanyang ihahandog sa mga Manileño bilang bahagi pa rin ng kanyang programang “Buhayin ang Maynila”.
Sinabi ng dating alkalde na hindi totoong dumumi ang kahabaan ng Roxas Boulevard pati na ang tubig sa Manila Bay nang itayo ang Baywalk.
“Noon pa man ay mahigpit na nating ipinatutupad ang proper waste disposal sa mga taong namamasyal sa lugar at pati na rin sa mga may-ari ng establisimiyento na umokupa sa Baywalk,” ayon kay Atienza.
Lalo anyang magiging maayos at malinis ang kahabaan ng Baywalk sapagkat ang lahat ng mga epektibong pamamaraan na ipinatupad ng DENR ay tiyak na gagamitin sa Baywalk partikular ang proper waste management at paglalagay ng waste water treatment facilities upang hindi makaragdag ng dumi ang mga establisimiyento sa karagatan ng Manila Bay. (Gemma Garcia)