MANILA, Philippines - Ibinasura ng Commission on Elections ang aplikasyon ng National Movement for Free Elections para maging citizens’ arm ng poll body sa darating na election sa Mayo 10.
Sa siyam na pahinang resolusyon ng Comelec en banc, nagdududa ito sa kredibilidad at kuwalipikasyon ng Namfrel gayundin sa pagiging patas nito lalo na at kilalang kritiko ni dating pangulong Joseph Estrada si Namfrel Founding chairman Jose Conception Jr.
Idinahilan pa ng Comelec na una na nitong kinilala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting bilang kanilang citizens’ arm.
Kasabay nito, hindi na ikinagulat ni Commissioner Rene Sarmiento na naibasura ang petition ng Namfrel dahil napagkasunduan na noong Oktubre 26 ang PPCRV bilang citizen’s arm nito.
Ang accredited citizens arm ng Comelec ay maaaring mabigyan ng ika-apat na kopya ng election returns at certificates of votes na lalabas sa automated machines. (Doris Franche)