Gasa naiwan sa katawan ng pasyente, Ospital pinagbabayad ng P15M
MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ng Korte Suprema ang mga may-ari ng Medical City Hospital na magbayad ng P15 million dahil sa isang doctor na nakaiwan ng gasa sa loob ng katawan ng pasyenteng kanyang inoperahan noong 1984.
Itoy matapos mapatunayan ng korte na walang ginawang hakbang ang Professional Services Inc (PSI) na siyang may-ari ng ospital sa reklamo ng pasyenteng si Natividad Agana makaraan siyang operahan ni Dr. Miguel Ampil dahil sa colon cancer.
Nadiskubreng nakaiwan si Ampil ng dalawang piraso ng gasa sa katawan ni Agana matapos ang operasyon.
Gayunman, nilinaw ng Mataas na Hukuman na hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng ospital ay otomatikong dapat managot sa kapabayaan ng mga doctor na nagpa-practice sa kanilang pagamutan.
Sa kaso umano ng PSI, ipinaalam umano ni Agana sa ospital ang kanyang hindi magandang nararamdaman kaya’t obligado umano ang Medical City na aksiyunan ito na kanila namang hindi ginawa. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending