MANILA, Philippines - Posibleng umakyat sa 17 milyon ang death toll ng cancer sa buong mundo kung hindi babaguhin ang lifestyle ng mga tao.
Ito ang babala ng World Health Organization (WHO) kasabay na rin ng paggunita bukas (Pebrero 4) ng World Cancer Day, na may temang “Cancer can be prevented too.”
Ayon sa WHO, mahigit sa 30 porsiyento ng lahat ng uri ng kanser ay maaari namang maiwasan sa pamamagitan lamang ng healthy lifestyle.
Ilang simpleng pamamaraan na makatutulong sa paglaban sa kanser ang pagtigil sa paninigarilyo, pagkakaroon ng healthy diet, regular na pag-e-ehersisyo, limitadong pag-inom ng alak o alcohol, at pagkakaroon ng proteksyon laban sa mga cancer-causing infections.
“Without urgent action, global cancer deaths will dramatically increase from 7.6 million this year to 17 million by 2030,” babala pa ng WHO.
Nabatid din na ang kanser ay pangunahing killer sa mga developed at developing countries at siyang may kagagawan ng 1 sa 8 insidente ng pagkamatay sa buong mundo, na higit pa umano kung pagsasama-samahin ang mga sakit na AIDS, tuberculosis (TB) at malaria.
Gayunman, binigyang-diin ng WHO na maaagapan naman ito kung gugustuhin ng mga mamamayan at maari rin itong mapagaling, kung agad itong matutukoy at malulunasan. (Ludy Bermudo)