MANILA, Philippines - Dumating na kahapon sa bansa ang unang batch ng mga Filipino mula sa Haiti kung saan sinalubong ang mga ito ng mga kawani ng Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Admnistration sa Ninoy Aquino International Airport.
Ang unang batch na kinabibilangan ng anim na Pinoy ay lumapag sakay ng Philippine Airlines galing Los Angeles dakong alas-5:50 ng umaga. Darating naman ngayong umaga ang 18 pa habang ang natitira pang 40 ay inaasahang ililikas sa susunod na linggo.
Inilikas ang mga nasabing bilang ng Pinoy mula sa Haiti noong Enero 26 at dinala ang mga ito sa Santo Domingo, Dominican Republic.
Tiniyak naman ng DFA na mabibigyan ng tulong ang mga umuwing mga Filipino tulad na pagbibigay ng pamasahe sa mga ito pauwi sa kanilang probinsiya at pagbibigay ng livelihood assistance.
Bibigyan din ang mga ito ng tulong medikal para makalimutan ang trauma ng lindol na naranasan sa naturang bansa.
Samantala, nagpadala na ng medical team at nagbigay ang gobyerno ng US$50,000 bilang humanitarian assistance sa Haiti. (Butch Quejada)