MANILA, Philippines - Isang abogado na inakusahan ni Senador Miriam Defensor-Santiago na “gun for hire lawyer” sa kanyang privilege speech laban kay DILG Sec. Ronaldo Puno, ang naghain kahapon ng reklamo sa Senate Committee on Ethics na humihiling na patalsikin ang Senador bilang miyembro ng Senado.
Sa 17-pahinang complaint na inihain ni Atty. Bonifacio Alentajan, sinabi nito na inabuso ni Santiago ang kanyang “parliamentary immunity” na naging dahilan upang magbigay sa kanya ng kahihiyan.
Nakasaad sa reklamo ni Alentajan na si Santiago ay guilty umano sa “unparliamentary behavior” at serious misconduct dahil sa mga notorious at iskandalosong mga pahayag nito.
Naka-attached sa reklamo ni Alentajan ang kopya ng privilege speech ni Santiago kung saan sinabi ng senadora na si Alentajan umano ay na kick-out sa Pasay City fiscals office dahil sa korupsiyon.
Ayon kay Alentajan, walang katotohanan at fabricated lamang umano ang sinabi ni Santiago.
Binigyang diin din sa reklamo ang ilan pang mga naging batikos at kontrobersyal na statement ng senadora sa mga naging presidential opponent niya noon, sa ilang mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno.
Inakusahan din ni Alentajan si Santiago ng paggamit ng kanyang kapangyarihan para maitalaga sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ang kanyang asawa, kapatid at pamangkin.
Iginiit ni Alentajan dapat daw mapaimbestigahan si Santiago ng ethics committee dahil sa kabiguan nito na magsagawa ng full disclosure sa kanyang mga financial at business interest kabilang na ang mansion nito sa Tagaytay City. (Malou Escudero)