Hamon sa mga Ampatuan: 'Kasuhan n'yo ako' - Gibo
MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni dating Defense Secretary at Lakas-KAMPI-CMD presidential standard bearer Gilberto ‘Gibo’ Teodoro Jr. ang mga abogado ng angkan ng mga Ampatuan na magsampa ng kaso sa korte laban sa kaniya kaugnay ng naglipanang mga loose firearms sa Maguindanao.
Kasabay nito, sinabi ni Teodoro na dapat magpakita ng matibay na ebidensya laban sa kaniya ang abogado ng mga Ampatuan upang patunayan ang kanilang alegasyon sa halip na sirain ang kaniyang kredibilidad.
Idiniin ni Teodoro na hindi niya aatrasan ang kaso at kaya niyang patunayang wala siyang kinalaman sa bultu-bulto ng mga armas at bala na nakuha sa mansion ng mga Ampatuan.
Ginawa ni Teodoro ang reaksyon kaugnay ng alegasyon ni Atty. Philip Pantojan na may kapasidad umano ito bilang Defense Chief noon kaugnay sa pagsusuplay ng bultu-bulto ng malalakas na kalibre ng armas at mga bala sa kaniyang mga kliyente.
Sinabi nito na nang pumutok ang kontrobersya ay siya pa mismo ang nanguna sa mga presidentiables sa panawagang arestuhin at panagutin sa batas ang mga Ampatuan.
Bukod dito, kinalampag rin niya si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Victor Ibrado upang siyasatin ang kaso. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending