Grabeng baha babala!
MANILA, Philippines - Mas masahol pa umano kina Ondoy at Pepeng ang magaganap na pagbaha sa bansa matapos magbabala kahapon ang Philippine Atmospheric and Geophysical Services Administration na apektado ang Pilipinas sa pagkalusaw ng mga malalaking tipak na yelo (niyebe) sa North Pole bunga ng global warming.
Sa kanyang pulong Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni PAGASA Director Frisco Nilo na nakakadagdag ang pagkalusaw ng yelo sa pagkakaroon ng bagyo sa alinmang bansa.
Ipinaliwanag nito na ang pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa North Pole ang nagpapalaki at nagpapa-expand ng tubig-dagat na umaabot sa Pacific Ocean.
Sakali umanong magtuluy-tuloy ang global warming, maraming lugar sa bansa ang patuloy na lulubog sa baha partikular ang CAMANAVA area.
Dahil dito, pinayuhan ni Nilo ang pamahalaan na gumawa ng paraan upang mas maging magaan ang epekto nito sa publiko.
Sinabi rin ni NIlo na tatagal pa hanggang sa Hunyo ang mararanasang “El Niño” sa bansa bago bumalik sa normal ang klima ng panahon. Ilang buwan na umanong nararanasan ang tag-tuyot sa ilang lalawigan kabilang na sa Kanlurang bahagi ng Pilipinas.
May posibilidad ding umabot sa “water rationing” ang epekto ng El Niño sa Metro Manila tulad ng nangyari noong 1997-1998.
Sa data na nakuha ng PAGASA, maari umanong maapektuhan ng El Niño ang bilang ng bagyong pumapasok sa bansa kada taon o 19 bagyo na lamang ang papasok sa bansa.
- Latest
- Trending