Gloria tinawag na bengadora ni Binay
MANILA, Philippines - Inakusahan ni United Opposition (UNO) Vice Presidential candidate at Makati Mayor Jojo Binay na bengador si Pangulong Arroyo matapos na umano’y gantihan nito ang mga lokal na opisyal na lumipat sa oposisyon sa pamamagitan ng pagbasura sa major rail project sa Cavite.
Ayon kay Binay, indikasyon lamang ito ng maruming pamumulitika dahil sa halip na ang mga lokal na opisyal ang naparusahan, ang mga mamamayan ng Cavite at karatig-probinsya ng Southern Tagalog ang higit na magdurusa dahil higit dalawang milyon ang populasyon nito.
Sinabi ni Binay na ang pagpapahinto ng panukalang 11.7 kilometrong LRT line mula Baclaran hanggang Bacoor sa Cavite ay dahil “hindi taga-administrasyon si Gov. Ireneo “Ayong” Maliksi.”
Dahil dito, malaki ang panghihinayang ni Binay na mabigyan ng magandang pag-unlad ang LRT Cavite.
Ayon pa kay Binay, sa pagbisita niya sa iba’t ibang probinsiya maraming local leaders ang nagrereklamo sa kanya ng “unfair treatment” mula sa mga ahensiya ng gobyerno. Isa dito ay ang biglaang pagtanggal ng mga police commanders ng wala man lang konsultasyon sa Cavite, Pampanga, Batangas, Camarines Sur at sa “iba pang mga probinsiya na ang mga gobernador ay lumipat sa oposisyon.”
Paliwanag naman ni DOTC Secretary Leandro Mendoza, wala nang natitirang sapat na panahon para pasimulan ang proyekto. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending