Senior Citizens bill madidiskaril sa iringan nina Enrile, Angara

MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na hindi maratipikahan ng Senado ang Expanded Senior Citizens bill para mailibre sa pagpapabayad ng Value Added Tax ang mga matatandang nasa 60-pataas ang edad dahil sa iringan sa pagitan nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senator Edgardo Angara.

Inamin kahapon ni Majority leader Juan Miguel Zubiri na maaaring ma­apek­tuhan ang mga panu­kalang batas na kanilang inihahabol kasama na ang Expanded senior citizens bill na pumasa na sa bicameral conference committee ngunit kinakaila­ngan pang maratipikahan ng Senado.

Ang iringan ng dala­wang Senador ay nag-ugat matapos na makatanggap ng impormasyon si Enrile na balak itong ikudeta bilang Senate president at papalitan ito ni Angara kaya naman umapela si Zubiri kay Enrile na ikon­sidera ang kanyang posis­yon dahil tiyak na nagka­ka­tampuhan lang anya ang mga ito.

Nangangamba si Zubiri na tuluyan ng hindi mara­ratipikahan ng Senado ang naturang batas kung masesentro na naman sa ibang usapan ang kanilang sesyon.

Kabilang sa benepis­yong matatanggap ng mga senior citizen sa oras na ito ay maisabatas ay ang pag­kakaroon ng P2,000 death benefit assistance, P1,500 na buwa­nang stipend, pag­kaka­roon ng “senior citizens ward’ sa lahat ng os­pital ng gobyerno at ang libreng bakuna laban sa influenza virus. (Malou Escudero)

Show comments