MANILA, Philippines - Lumubha pa ang mga Pinoy na walang trabaho sa ngayon dahil umabot na ito ngayon sa 7.5 percent.
Noong 2009, umaabot sa 2.8 milyong Pinoy ang walang trabaho at nadagdagan pa ito ngayon.
Sa ulat ng National Statistics Office (NSO), sa mga walang trabaho, mas ma dami ang lalaki na umaabot sa 1.7 million at ang mga babaeng walang trabaho ay umaabot sa 1.1 million na marami ay mga high school graduate lamang.
Noong 2008 umaabot sa 7.4 percent ang jobless rate sa Pinas.
Sinasabing ang pagkakaroon ng mga kalamidad at hindi pa nakakabangong ekonomiya ng bansa ang ugat ng pagdami ng walang trabaho sa Pilipinas.
Sa labor survey naman, umaabot sa 19.1 percent ang underemployment rate noong 2009 at 19.3 percent noong 2008 o umaabot sa 6.7 million Pinoy na marami dito ay mula sa Bicol at Central Luzon.
Ang mga employed na tao na nais ng bagong trabaho na may mahabang oras na trabaho ay kasama sa mga underemployed.
Kalahati ng 35 milyong manggagawang Pinoy ay nagtatrabaho sa wholesale at retail trade, pagre-repair ng mga sasakyan, motorsiklo at iba pang household goods. Ang 35 percent naman ay nagsasaka at ang iba ay sa pabrika.
Taya ng NSO, ang Pilipinas ay kakain pa ng 2 taon para umunlad uli ang pamumuhay ng mga Pinoy. (Angie dela Cruz)