MANILA, Philippines - Naghain ng kasong kriminal sa Ombudsman ang isang Sultan laban kay Senador Miriam Defensor-Santiago dahil sa kabiguan ng mambabatas na magdeklara ng buong financial at business interests nito.
Base sa 12 pahinang complainant ni Sultan Abdulhamid Alimuddin ng Indanan, Sulu, kinasuhan nito si Santiago ng paglabag sa section 3 (e) at 8 ng RA 3019 ng Anti-graft and Corrupt Practices Act dahil sa umano’y pagtatago at hindi maipaliwanag na yaman.
Kasama sa reklamo ang real tax declarations at iba pang property documents na ikinumpara sa Statement of Assets and Liabilities and Networth ni Santiago na umano’y nagpapakita na nakuha ng senador ang mga ari-arian nito na nagkakahalaga ng milyong piso taliwas sa nakukuha nitong sahod bilang Senador.
Kabilang sa mga ari-arian ni Santiago ang sa La Vista, UP Village at West Triangle sa Quezon City, lupang pang agrikultura sa Lipa city, residential house sa Iloilo at mansion nito sa Tagaytay City.
Iginiit ni Alimuddin na hindi isinama ni Santiago ang nasabing mga ari-arian sa kanyang SALN.
Lumabag din umano si Santiago sa PD 1829 o “Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of criminal offenders” nang hindi nito payagan ang mga awtoridad na magsagawa ng crime investigation nang mamatay ang kanyang anak na si Robert sa La Vista noong Nobyembre 2003. (Gemma Garcia)