55 Maguindanao bets ibinasura
MANILA, Philippines - Bukod sa diskuwalipikasyon, posibleng maharap rin sa ibang election offense ang may 55 kandidato, kabilang ang mga reelectionist politicians, mula sa lalawigan ng Maguindanao, matapos na mabigong patunayan na rehistradong botante sila sa kani-kanilang munisipalidad na kakandidatuhan.
Batay sa Commission on Elections en banc Minute Resolution No. 09-0946, diniskuwalipika ang may 55 kandidato na kinabibilangan ng 42 miyembro ng Lakas-Kampi-CMD at 13 independent candidates na pawang lalahok sa local elections sa naturang lalawigan.
Sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, kabilang sa mga diniskuwalipika ay isang vice-mayoralty candidate at tatlong kandidatong konsehal.
Sa Shariff Saydona Mustapha, diniskuwalipika rin ang isang vice-mayoralty candidate at siyam na kandidatong konsehal habang sa Shariff Aguak naman ay hindi pinayagang makatakbo sa halalan ang isang kandidatong mayor, isa sa pagka-bise alkalde at anim na kandidatong konsehal.
Ang mga naturang kandidato ay maaari ding maharap sa paglabag sa Omnibus Election Code. (Mer Layson)
- Latest
- Trending