172 Pinoy nadale ng lindol sa Haiti
MANILA, Philippines - Inaalam na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang laki ng pinsalang nagawa ng 7.0 magnitude na lindol na yumanig sa Haiti sa Filipino community at sa Philippine peacekeeping contingent na naroroon.
Aminado naman si DFA spokesman Eduardo Malaya na sa ngayon ay nahihirapan sila kaagad na matukoy ito dahil na rin sa kawalan ng komunikasyon matapos na maputol ang communication at power lines sa lugar.
Nakatanggap na rin naman umano ng ulat ang DFA na may ilang Pinoy peacekeepers na na-trap sa ilang gusaling naapektuhan ng paglindol, ngunit nasa ligtas naman umanong kalagayan ang mga ito.
Umaasa ang DFA na walang Pinoy na nadamay sa lindol na sinasabing posibleng pumatay sa libu-libong katao.
Ayon kay Elemer Cato, spokesperson ng Phil. Mission to the UN, nasa 155 ang sundalo, 2 military observer at 15 pulis ang nasa Haiti.
Bukod dito, mayroon din umanong 447 Pinoy na nagtatrabaho at naninirahan sa naturang bansa, na posibleng naapektuhan ng lindol.
Kinumpirma naman ng Armed Forces of the Philippines na kabilang ang mga peacekeepers nito sa mga na-trap sa gumuhong gusali sa malakas na lindol na yumanig sa Haiti.
Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr. ang impormasyon ay nabatid lamang nila sa Misis ni Filipino peacekeeping Commander Lt. Col. Lope Dagoy na nagawang makatawag sa kaniyang maybahay sa pamamagitan ng satellite phone.
“He (Dagoy) was able to borrow a satellite phone and called his wife,” ani Brawner na sinabing agad ring naputol ang communication system sa nasabing bansa bunga ng epekto ng lindol.
Una nang napaulat na niyanig ng lindol ang Haiti na sumira umano sa maraming gusali at kabahayan doon, kabilang na ang headquarters ng United Nations peacekeeping mission at marami sa mga miyembro nito ang nawawala.
Maging ang ilang bahagi ng Presidential Palace ay naapektuhan din umano nang pagyanig ngunit masuwerteng ligtas naman umano si Haitian President Rene Preval.
Nabatid na ito na umano ang pinakamalakas na lindol na naitala sa Haiti sa kasaysayan at ito ay naramdaman maging sa Dominican Republic, Jamaica at Cuba.
Ayon sa mga awtoridad, maaaring abutin ng dalawa hanggang tatlong araw bago malaman ang pinsala ng lindol ngunit inaasahan nang marami ang nasawi dahil dito, dahil sa ngayon pa lang umano ay nagkalat na ang mga bangkay sa Port-au-Prince.
Ang Haiti na itinuturing na pinakamahirap na bansa sa Western Hemisphere ay mayroon umanong mahigit sa 10 milyong populasyon.
- Latest
- Trending