PGMA, ok mag-appoint
MANILA, Philippines - Maaring humirang ng bagong Chief Justice si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo mula sa hanay ng mga nakaupong miembro ng Korte Suprema bagamat magagawa lamang niya ito pagkatapos na magkaroon ng bakanteng puwesto sa naturang hukuman, ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile.
Ginawa ni Enrile ang pahayag upang direktang sagutin ang mga patutsada ng mga kritiko ng pamahalaang Arroyo na nagsabing ipinagbabawal ng Konstitusyon ang paghirang ng papalit kay Chief Justice Puno na nakatakdang magretiro sa May 17 sa edad na 70 anyos.
Sa panayam sa DZRH radio, sinabi din ni Enrile na bagama’t walang binanggit ang Saligang Batas kung paano hihirangin ang Chief Justice, tungkulin ng Pangulo na tiyaking kumikilos nang maayos ang hudikatura sa lahat ng oras.
Binigyang diin ni Enrile na ang prohibisyon sa Pangulo na gumawa ng appointments sa loob ng 60 araw bago ang susunod na halalan at hanggang sa pagtatapos ng termino ng Pangulo sang-ayon sa Section 15, Article VII ng Constitution ay para lamang sa executive department ng gobierno.
“Kung magkaroon ng bakanteng puwesto sa Korte Supreme, maaaring punuan ito ng Pangulo sa araw ding iyon mula sa natitirang 14 na Associate Justices,” sinabi pa ni Enrile.
Ipinaliwanag din niya na ang selection process na dapat umpisahan ng Judicial and Bar Council (JBC) ay para lamang sa mga bagong miembro ng Mataas na Hukuman. Kaugnay nito, ang pagpili sa susunod na Chief Justice ay hindi na kailangan pang dumaan sa JBC dahil lahat ng nakaupong miembro ng Korte ay mayroon nang stamp of approval ng JBC. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending