20 bodyguards ni Pacman, iimbestigahan
MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaroon ng 20 armadong bodyguards ni boxing champion Manny “Pacman” Pacquiao.
Ayon kay PNP Spokesman C/Supt. Leonardo Espina, walang isinaad na magiging exemption sa kautusan ng Commission on election lalo na sa pagdedeploy ng security sa mga kandidato.
Sa ilalim ng probisyon ng Comelec, dalawa hanggang apat lang na security escort ang maaaring ibigay ng PNP sa mga kandidatong tumatakbo sa local na posisyon gaya ni Pacman na tumatakbong mambabatas sa Saranggani. Si Pacquiao ay una ng natalo ni South Cotabato Rep. Darlene Antonio Custodio noong 2007 elections.
Posibleng makulong si Pacquiao ng anim na taon kung mapapatunayan na nilabag nito ang Comelec resolution 8714.
Una ng kinuwestiyon ni Sen. Rodolfo Biazon ang pagkakaroon ng 20-bodyguards ni Pacquiao dahil ito ay labag aniya sa napagkasunduan ng Comelec, PNP at AFP.
Ipinagtataka din ni Biazon kung bakit ito pinapayagan ng Comelec kaya plano nito na isampa sa Comelec ang nasabing isyu.
Unang binigyan ng maraming security escort ng PNP at AFP si Pacquiao dahil sa banta ng kidnapping-for-ransom sa buhay nito. (Joy Cantos/Malou Escudero)
- Latest
- Trending