MANILA, Philippines - Lima pang lalawigan ang nadagdag sa talaan ng mga election hotspot para sa nalalapit na 2010 national elections.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Director General Jesus Verzosa, ang mga lalawigan ng Lanao del Norte, Sarangani, Zamboanga Sibugay, Antique at Eastern Samar ay kasama sa mga lugar na kinakailangan bantayan ng pulisya, AFP at Comelec, kaya naman itinatag ng mga ito ang Joint Security Control Center.
Dumalo sa nasabing pagpupulong si Verzosa, Comelec Chairman Jose Melo, AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado. Layon ng mga ito na matiyak ang Honest, Orderly and Peaceful elections.
Una ng tinukoy ng PNP ang mga lalawigan ng Abra, Masbate, Maguindanao, Nueva Ecija, Basilan, Sulu, Lanao del Sur, Western Samar at La Union na hotspots.
Kasama sa tinalakay sa naturang pagpupulong ang paglalansag ng private armies ng mga kilalang political warlords, paglalatag ng mga checkpoints sa bawat lungsod at munisipalidad, pagtatalaga sa PNP at AFP bilang mga security detail ng mga kandidato at ang seguridad sa election.
Nagbabala din si Verzosa na sasampahan ng paglabag sa Omnibus Election Code lalo na ang gun ban, ang sinumang mahuhuling lalabag dito kung saan ipinatupad ito noong Enero 10 at matatapos sa Hunyo 10, 2010.
Mahigpit din babantayan ang 118 lugar sa ARMM o kabuuang 558 lungsod at munisipyo bukod pa ang 440 lugar sa ibang bahagi ng bansa na isasailalim sa watchlist.
Masusi din babantayan ng pulisya ang labanan sa pulitika at ang mga miyembro ng NPA, Abu Sayyaf, MILF at maging ang iba pang mga Private Armed Groups. (Joy Cantos)