MANILA, Philippines - Tila isinuka ni Taguig Mayor Freddie Tinga ang pamilyang Ampatuan matapos na tumanggi itong maidetine sa Camp Bagong Diwa Jail ang huli dahil sa panganib na maaaring idulot nito sa Muslim community ng Taguig.
Ayon kay Tinga, malinaw na magdudulot ng panganib ang mga Ampatuan sa naturang lungsod dahil sa pagiging “High risk” prisoners ng mga ito matapos na matukoy na siyang utak sa massacre ng 57-katao kabilang ang 32 mamamahayag sa Maguindanao.
Iginiit ni Tinga na mas mabuting manatili na lang sa National Bureau of Investigation detention cell si Andal Ampatuan Jr., dahil mas tiyak ang seguridad dito.
“The proposed transfer will not only pose a great danger to our peaceful and thriving city, but may also endanger the life of the accused himself once he is exposed to other prisoners,” ayon kay Tiñga.
Ipinaliwanag pa ni Tinga na 200 metro lang ang layo ng Camp Bagong Diwa Jail sa Brgy. Maharlika kung saan nakatira ang pinakamalaking bilang ng Muslim community sa Luzon. Aniya, hindi na dapat maulit ang naganap noong Marso 2005 kung saan nagkagulo matapos na magtangkang tumakas ang mga miyembro ng Abu Sayyaf na nakakulong dito na ikinasawi ng ilang katao.
Una ng tumanggi ang National Capital Region Police Office na ilipat sa kanilang kustodiya ang mga Ampatuan dahil sa problema sa seguridad lalo pa at marami na silang “high risk” na mga bilanggo na binabantayan. (Danilo Garcia)