MANILA, Philippines - Isinampa na kahapon ng Department of Justice sa Manila Regional Trial Court ang 2 counts ng kasong double murder laban kay Senador Panfilo Lacson kaugnay ng pagpaslang sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito sa Cavite noong taong 2000.
Sinasabi sa resolusyong ipinalabas ng DOJ na may probable cause para kasuhan si Lacson na hepe noon ng Philippine National Police at ng buwag nang Presidential Anti-Organized Crime Task Force nang mapatay ang mga biktima.
Walang inirekomendang piyansa ang tagausig para sa mga akusado sa krimen.
Kabilang sa pinagbatayan ng DOJ ang affidavit ng mga anak ni Dacer na sina Emily Hungerford, Sabina Reyes, Amparo Henson at Carina Lim na nagsasabing may banta sa buhay ang kanilang ama at batid nila na tutol ang kanilang ama sa pagkakahirang noon ni dating Pangulong Joseph Estrada kay Lacson bilang hepe ng PNP.
Bukod pa ito sa testimonya ni dating Police Supt. Cesar Mancao na tumukoy na si Lacson ang utak sa pagdukot at pagpatay kina Dacer at Corbito.
Agad ring nagsagawa ng raffle ang MRTC at napunta ang kaso sa sala ni Judge Thelma Bunyi-Medina.
Tiniyak naman ni Lacson na gagamitin niya ang lahat ng legal na paraan para maidepensa ang kanyang sarili sa kaso.
Pero hindi na nagbigay ng anumang detalye si Lacson kung anong option ang inihahanda ng kaniyang mga abogado.
Samantala, sinabi naman ni Senator Jinggoy Estrada na nakaramdam siya ng malaking ginhawa dahil hindi kasama sa nakasuhan ang kaniyang amang si dating Pangulong Estrada.
“Malaking ginhawa iyon na hindi siya (Erap) nakasama,” sabi ni Estrada sa isang pulong-balitaan.
Iginiit nito na walang kasalanan ang kaniyang ama sa sinasabing kaso at walang ebidensiyang mag-uugnay dito sa Dacer-Corbito double murder case.