Seguridad sa Ampatuan trial hinigpitan ng PNP

MANILA, Philippines - Bantay-sarado ngayon ang Philippine National Police sa  isasagawang paglilitis sa kasong multiple murder laban kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. sa Police Non Commissioned Officers Club sa Camp Crame, Quezon City kaugnay ng malagim na Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao noong Nobyembre 23 .

Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina na nasa 370 pulis ang magbabantay sa seguridad sa loob ng Camp Crame .

Bukod pa ito sa pu­wersa ng Highway Patrol Group at National Capital Region Police Office na magbabantay naman sa labas ng punong-himpilan ng PNP upang harangin ang mga pro at anti Ampatuan groups na inaasahang maglulunsad ng kilos protesta.

Mula nitong Lunes ay nakaposte na sa bawat sulok sa loob ng Camp Crame ang may 370 pulis .

Pabor naman si PNP chief, Director General Jesus Verzosa na ilipat ng detention facility ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan na sangkot sa Maguindanao massacre.

Ginawa ng PNP Chief ang reaksyon  kasunod ng ulat na may VIP treatment sa apat na miyembro ng Ampatuan clan na nakaditine sa Camp Fermin Lira sa General Santos City .

Kabilang dito sina da­ting Autonomous Region for Muslim Mindanao Go­vernor Zaldy Ampatuan, ama nitong si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., da­ting Vice Governor Sajid Akhmad  Ampatuan, Shariff Aguak Mayor Anwar Ampatuan at iba pa.

Si Datu Unsay Ma­yor Andal Ampatuan Jr., itinuturong pangunahing sangkot sa krimen, ay nakakulong naman sa detention facility ng National Bureau of Investigation sa lungsod ng Maynila.

Inihayag ni Verzosa na aabot pa sa 50 detainees ang kayang i-accommodate ng PNP Custodial Center sa Camp Crame habang maaari ring ikunsidera ang detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan. (Joy Cantos)

Show comments