RFID 'di banta sa privacy - CHR
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Leila de Lima na hindi banta sa privacy ng bawat indibidwal o motorista ang ipapatupad na proyekto ng Land Transportation Office, ang Radio Frequency Identification (LTO-RFID).
Ayon kay Lima, ito ang kabuuang resulta ng konsultasyon nila ni LTO chief at assistant Secretary Arturo Lomibao kung saan sinabi nito na hindi malalabag ang karapatan ng bawat tao at maiwasan ang pag-abuso ng mga traffic enforcers kapag naipatupad na ang nabanggit na proyekto.
Sinabi naman ni Lomibao na ang RFID tags na ilalagay sa bawat sasakyan ay walang Global Positioning System (GPS), ibig sabihin walang kakayahan ang LTO-RFID na i-track ang location ng bawat sasakyan at hindi din nito kayang kilalanin kung sino ang sakay o nagmamaneho ng sasakyan.
Nilinaw din ni de Lima na sa pangkahalatan ay hindi sila tutol sa pagpapatupad ng RFID sa mga pampribado at publikong sasakyan sa halip ay inirekomenda nito sa pamunuan ng LTO na kailangang sanayin nito ang kanilang mga tauhan dahil malaking papel ang gagampanan ng mga ito para hindi maabuso ang RFID.
Matatandaan ilang militanteng grupo ang tumututol sa pagpapatupad ng RFID dahil umano sa paniniwala na may ikakabit na “spy chips” sa bawat sasakyan.
Gayunpaman tiniyak ng LTO na walang dapat ikatakot ang publiko sa RFID dahil walang “spy chips” silang ikakabit, tanging ang layunin lamang ng nabanggit na proyekto ay upang beripikahin ang ilang mga impormasyon na nakasaad sa Official Receipt at Certificate of Registration (ORCR) at hindi para sa maseselan at personal na impormasyon ng may ari ng sasakyan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending