P55.4M nagastos sa Mayon evacuees

MANILA, Philippines - Umabot sa P55.366 milyon ang nagastos ng pamahalaan sa 47,000 katao na inilikas mula sa danger zone sa paligid ng bulkang Mayon sa loob ng dalawang linggo.

Kasama sa nasabing halaga ang P9.3075 mil­yon tulong mula sa National Disaster Coordinating Council, P4.877M mula sa Department of Social Welfare and Development, P6.915M naman mula sa Department of Health, P32.875M sa local government units at P1.390M mula sa NGOs.

Ang DSWD ay namahagi ng bigas, pagkain, noodles, blankets, plastic mats, canned goods, water jugs, jackets, towels at sweaters sa mga evacuees.

Namahagi din sila ng high-energy biscuits galing sa United Nations World Food Programme to the displaced families at 2 kilos per family for one month.

Sa parte naman ng DOH ay namahagi ang kagawaran ng mga gamot, face masks, emergency health kits, chlorine granules, at mga inuming tubig, gayundin ang pamamahagi ng anti-venom. 

Samantala, kailangan pa rin umanong obserbahan ang Mayon sa loob ng isang linggo, kahit pa ang alerto nito ay ibinaba na nila sa alert level 3 mula sa alert level 4.

Sa monitoring ng Phivolcs, na-detect ang 9 na volcanic earthquakes at 30 pagdausdos ng bato bunga ng pagkakabakbak ng mga naiwang lava na ibinuga ng bunganga ng bulkan sa loob ng 24 oras. Hindi na rin nakitaan pa ng usok mula sa bunganga ng bulkan.

Dahil alert level 3, nangangahulugan na ipinagbabawal ang pananatili sa 6-km radius Permanent Danger Zone sa paligid ng bulkan at 7-km Extended Danger Zone southeast ng volcano.

Tuloy na din umano ang pagpasok ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralang ngayon ng mga kabataang naibalik na sa kanilang mga tahanan. May mga fire trucks na rin ng mga militar na aalalay umano sa mga ito patungo sa kanilang mga paaralan.

Kabuuang 45,000 mula sa 47,000 evacuees ang naibalik na ng Albay provincial government sa kani-kanilang tahanan.

Show comments