Flashflood, landslide sasalubong sa VizMin

MANILA, Philippines - Sa pagbungad ng taong 2010, sasalubungin ng mga pagbaha at mga pagguho ng lupa o landslides ang ilang bahagi ng Visayas at hilagang Mindanao ngayong taon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical­ Services Administration kahapon.

Ayon sa PAGASA, ang ganitong pangyayari ay sanhi ng buntot ng cold front na nararanasan sa Visayas.

“Ang Kalakhang Maynila ay makakaranas ng ba­hagya hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong dagliang pag-ulan. Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral at ang Look ng Maynila ay katamtaman hanggang sa maalon,” ayon sa weather bulletin ng Pagasa.

Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral sa Luzon at Kabisayaan at mula naman sa silangan at hilagang-silangan ang iihip sa Silangang-Mindanao.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay magiging bahagya hanggang sa maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkulog-pagkidlat.

Inalerto din ng Pagasa ang mga mangingisda sa ma­­la­­lakas na hanging sa karagatan ng Northern Luzon at ang eastern seaboard ng Central Luzon. (Ricky Tulipat)

Show comments