Election violence pinatututukan
MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa ang mga regional director ng PNP na lutasin sa lalong madaling panahon ang mga karahasang may kaugnayan sa darating na halalan.
Ginawa ni Verzosa ang utos kasunod ng serye ng pananambang sa Northern Luzon at Eastern Mindanao noong nakalipas na linggo na ikinasawi ng apat katao. Ang insidente ay hinihinalang may kinalaman sa labanan sa pulitika.
Nitong nakalipas na isang linggo, apat katao ang nasawi at siyam naman ang nasugatan sa magkakahiwalay na pananambang sa ilang mga lalawigan sa Northern Luzon at Eastern Mindanao. Noong Martes ng gabi ay malubha namang nasugatan ang isang Konsehal na kandidato sa pagka-bise alkalde sa Taganaan, Surigao del Norte.
Noong Miyerkules ay isang ARMM legislative staff na si Villamor Alibasa, police escort nitong si PO1 Archieveard Sabdane at isang sibilyan ang napatay sa magkakahiwalay na pananambang sa lalawigan naman ng Lanao del Sur.
Kaugnay nito, inatasan ng PNP Chief ang mga opisyal nito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at Caraga sa Mindanao gayundin ang mga opisyal ng PNP sa Ilocos Region sa Northern Luzon na tukuyin ang mga responsable sa serye ng pag-atake sa Lanao del Sur, Surigao del Norte at Ilocos Norte.
Idiniin ng heneral na mahalagang matukoy ang motibo ng pagpatay kung may kinalaman ito sa pulitika o kaya naman ay personal upang mapabilis ang pagresolba sa nasabing mga kaso ng pamamaslang. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending