MANILA, Philippines - Nagtala lamang ng isang insidente ng ash explosions sa Mayon sa nakalipas na magdamag, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa ulat ng Phivolcs, kahapon ng alas-7 ng umaga ang ash explosion ay umabot sa 100 metro mula sa bunganga ng bulkan.
Gayunman, nanatili pa rin sa alert level 4 ang bulkan at patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok ng sinuman sa paligid nito.
Ito ay sa kabila ng pagiging maaliwalas na pigura ng Mayon kung saan walang anumang bakas na makikita na ito ay nagbabadyang sumabog.
Tulad ng dati, nanatili ang pagdaloy ng lava sa Bonga-Buyuan, Miisi at Lidong kung saan may haba itong 5.9 mula sa bunganga ng bulkan.
Nakapagtala rin ang Phivolcs ng 16 volcanic earthquakes, magkakasunod na matinding rumbling sounds at kabuuang 150 paggulong ng mga bato dulot na rin ng mga nababakbak na bahagi ng Mayon.
Tumaas naman ang ibinubugang sulfur dioxide emission na may average value na 4,397 tonelada kada araw.
Nauna nang sinabi ni Renato Solidum Jr. ng Philvocs, na ang pananahimik ng bulkan ay may kaakibat ng matinding pagsabog sa susunod na mga araw kung kaya nagpayo ito sa mga residente na huwag maging kampante.
Bukod dito, pinalalagay din ng pamunuan na posibleng ang pagsabog ay maganap sa pagsapit ng Bagong Taon kasabay ng selebrasyon nito.
Samantala, may 10,000 pamilya ang nanatiling nasa 30 evacuation centers sa Albay, at inaasahang dito na rin magdiriwang ng Bagong Taon. (Ricky Tulipat)