BAGUIO CITY, Philippines - Iginiit kahapon ng Lakas-Kampi-CMD na huwag maliitin ang kanilang standard bearer na si Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. dahil unti-unti nang nakikilala ng mga botante ang administration presidential bet.
Sinabi ni Saranggani Gov. Rene Miguel Dominguez, pangulo ng Lakas-Kampi-CMD, hindi dapat maliitin ng ilang kandidato si Gibo dahil nasisiguro nilang mas papaboran ng mga botante ang dating Defense chief dahil sa pagiging smarte, talino at kapasidad na pamunuan ang bansa.
Wika pa ni Gov. Dominguez, ang batayan ng mga botante sa pagpili ng susunod na pangulo ng bansa ay ang kwalipikasyon ng kandidato at hindi ang pagiging popularidad lamang ang tinitignan ng mga botante.
Aniya, sa survey na isinagawa ng University of the Philippines at Makati Business Club ay si Gibo ang nanguna kahit kilalang anti-GMA ang nasabing mga komunidad.
Idinagdag pa ng Lakas-Kampi-CMD official, bukod sa galing, talino at kapasidad ng bar topnother at Hardvard-trained lawyer ay naririyan pa rin ang malawak na makinarya ng administration party para masiguro ang panalo ni Gibo sa may 2010 elections.
Sinabi naman ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay, spokesperson ni Gibo, sa sandaling magsimula nang umandar ang buong political machinery at political leaders ng Lakas-Kampi-CMD ay nasisiguro nilang mababago ang paniniwala ng mga botante at susuportahan na ng mga ito si Gibo. (Rudy Andal/Joy Cantos)