MANILA, Philippines - Naniniwala si Maasin Bishop Precioso Cantillas chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines- Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People na mas dadami pa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa taong 2010 dahil marami pa rin ang maghahangad ng maginhawang buhay kaya makikipag sapalaran sa ibang bansa para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya.
Aminado naman si Cantillas na walang magawa ang simbahan na pigilan ang mga Pilipino na umalis ng bansa kahit napakaraming banta sa kanilang buhay.
Sinabi ni Cantillas na napipilitan na lamang ang mga OFWs na mangibang bansa upang maitaguyod ang kanilang pamilya.
Nanawagan si Cantillas sa gobyerno na gumawa ng mga programang magbibigay ng labor improvement sa Pilipinas. Aniya, bahagi ng katuruan ng simbahang katolika na palagiang itaas at bigyang halaga ang dignidad ng mga migrante na nasa ibat-ibang bahagi ng mundo. Binigyang diin pa ni Cantillas dapat magsilbing aral sa mga OFW ang napakaraming kaso ng mga manggagawang Pilipino sa ibat-ibang bahagi ng mundo.
Sinabi ni Cantillas na laging isaisip ng mga Filipino ang kapakanan ng kanilang buhay at hindi lamang ang pera o pagkakaroon ng materyal na bagay at marangyang buhay. (Doris Franche)