MANILA, Philippines - Tagumpay ang pakikipaglaban ng tatlong overseas Filipino workers na nagwagi sa korte laban sa isang pekeng Pakistani police na nakapangulimbat sa kanila ng pera kapalit ng alok na trabaho sa United Arab Emirates.
Sa ipinalabas na desisyon ng Dubai Court of First Instance, napatunayang nagkasala ang isang 32-anyos na Pakistani sa mga kasong “fraud, impersonating a police officer at forgery”. Siya ay inakusahan din na illegal alien dahil sa napasong visa sa pananatili sa UAE.
Isang taon na pagkakakulong ang iginawad ng korte sa nasabing Pakistani at deportasyon pabalik sa Pakistan matapos ang kanyang jail term.
Sa rekord ng korte, gumamit umano ng pekeng identification card ang Pakistani upang mapaniwala ang tatlong Pilipino na isa siyang Emirati CID police officer.
Ayon sa biktimang Filipino waiter, nagpakilala sa kanya ang Pakistani na isang Emirati police at inalukan siya ng trabaho sa Dubai International Airport. Humingi sa kanya ang dayuhan ng halagang DH3,240 o P41,203 at ibinigay umano niya ang nasabing halaga kapalit ng isang acknowledgement receipt.
Hiningi rin ng Pakistani ang kanyang personal na dokumento. Ilang beses umanong inaantala ang pagpasok sa kanya sa trabaho hanggang sa humingi ang akusado ng karagdagang Dh1,050 (P13,353) bilang bayad umano sa pinal na pagpoproseso ng kanyang appointment.
Dahil dito, nagduda ang nasabing OFW kaya sinabi sa Pakistani na ayaw na niya sa alok na trabaho at ibalik na lamang ang pera nito subalit marami na umanong ibinibigay na dahilan ang dayuhan.
Ang isang Pilipina na nabiktima ay napag-alamang nagbayad din ng Dh2,000 (P254,344) kapalit ng pangako na trabaho sa Passport Section ng nasabi ring paliparan.
Naaresto ang Pakistani noong Hulyo 29, 2009 habang nasa aktong nakikipagkita sa isa niyang kliyente na target nitong biktimahin. Narekober sa kotse nito ang mga kinuhang pasaporte at mahahalagang dokumento sa mga biktimang Pilipino. Nakuha rin sa pag-iingat nito ang mga pekeng IDs, drivers license authorization card at car ownership card. (Ellen Fernando)