No rally sa Ampatuan trial

MANILA, Philippines - Ipatutupad ng Philippine National Police ang “No rally zone” sa buong bisinidad ng Camp Cra­me laban sa banta ng kilos protesta sa paglilitis sa kasong multiple murder laban kay Datu Unsay Maguindanao Mayor Datu Unsay Andal Ampa­tuan Jr., sa Enero 5.

Iginiit ni PNP Spokesperson C/Supt. Leonardo Espina na hindi papaya­gan ang anumang grupo, maging ang grupo ng mga mamahayag na ma­kapagrally saan mang bahagi ng Camp Crame. Nakatanggap ng impor­masyon ang PNP na ma­raming grupo na anti at pro Ampatuan ang nais na magsagawa ng rally sa naturang araw ng pag­dinig ng kasong multiple murder laban kay Ampa­tuan Jr.

Makikipag-ugnayan ang PNP sa PNP Press Corps sa darating na Disyembre 28 para sa ilalatag na regulasyon sa coverage ng naturang pagdinig upang maiwa­san ang anumang kagu­luhan habang ginagawa ang pagdinig sa Police Non-Commissioned Officers Hall.

Bukod kay Andal Jr., kabilang pa sa maimplu­wensyang angkan ng mga Ampatuan na sina­sabing nagplano at sang­kot sa massacre noong Nobyembre 23 ay sina Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., ARMM Governor Zaldy Ampatuan, Maguindanao Vice Governor Sajid Akmad Ampatuan, Shariff Aguak Mayor Anwar Am­patuan at iba pa kung saan hinarang ang convoy ng misis ni Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na si Ge­nalyn habang patugo sa Shariff Aguak para mag­hain ng certificate of candidacy at kasama ang 32 mediamen, 16 miyembro ng pamilya Mangudadatu at mga supporters nito.

Ikinakasa na rin ng PNP ang regulasyon sa pagpapatupad ng seguri­dad sa darating na Ba­gong Taon.

Show comments