MANILA, Philippines - Hiniling sa Commission on Elections ng isang dating opisyal ng Malacanang na idiskuwalipika sa halalan sa Mayo 2010 si re-electionist Senator Miriam Defensor-Santiago.
Sa petisyon na inihain sa Comelec ni Atty. Bonifacio Alentajan, abogado ng petitioner na si Atty. Nombraan Pangcoga na dating executive assistant ng Office for Muslim affairs, sinabi nitong hindi dapat payagan ng Comelec na lumahok pa muli sa halalan si Santiago dahil sa pagiging “insane” umano nito.
Inisa-isa pa ni Pangcoga ang mga patunay na may diprensya umano sa pag-iisip ang senadora kabilang na ang pagkakaroon umano nito ng kakaibang ideya, pabagu-bagong mood, hilig umano nitong pagsisinungaling at paranoia.
Iginiit pa ng petitioner na nagkaroon ng obstruction of justice sa panig ni Santiago nang hindi nito pinayagan na maawtopsiya ang bangkay ng kaniyang anak na si Alexander Robert Santiago na umano ay nagpakamatay sa loob ng kaniyang tahanan noong November 20, 2003.