MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng mga pamilya ng 12 pang akusado sa Aquino-Galman double murder case na aprubahan na ang kanilang petisyon para mapagkalooban ng absolute pardon ang mga nakakulong na sundalo.
Bagama’t napagkalooban na ng commutation, nais nilang mabigyan ng absolute pardon ang mga ito para maibalik ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas.
Ayon kay Public Attorneys Office Chief Atty. Persida Acosta, mahalaga din umano ang absolute pardon para sa mga sundalo upang magawa nilang makabalik sa serbisyo at magkaroon ng mapagkakakitaan sa sandaling makalabas ng bilangguan.
Kabilang sa mga akusadong sundalo na nananatili sa bilangguan ay sina Capt. Romeo Bautista, 2nd Lt. Jesus Castro, Sgt. Claro Lat, C1C Rogelio Moreno, Sgt. Filomeno Miranda, Sgt. Arnulfo De Mesa, Sgt. Ernesto Mateo, Sgt. Rodolfo Desolong, Sgt. Ruben Aquino, Sgt. Arnuldo Artates at A1C Felizardo Taran.
Sinabi ng PAO noong Hunyo 11, 2009 pa nila inihain sa Comelec ang petisyon. Hinihintay na lamang aniya nila na malagdaan ito ni Justice Sec. Agnes Devanadera at mairekomenda sa Pangulong Arroyo.
Ayon pa kay Acosta, magandang regalo ngayong holiday season para sa mga sundalo kung malalagdaan ang kanilang petisyon bago matapos ang taon. (Doris Franche)