MANILA, Philippines - Nakatikim ng sermon sa Simbahang Katoliko ang mga kabataan na duma dalo lamang sa Simbang Gabi upang magligawan.
Ayon kay Fr. Gerry Patio, editor ng Catholic journal na Theological Centrum Documentation Service, “worship” at hindi “courtship” ang dapat na gawin sa pagdalo sa Simbang Gabi.
Sa panahon ngayon sinabi ni Patio na maraming dumadalo sa Simbang Gabi para lamang makahalubilo ang kanilang mga barkada at makasama ang kanilang mga nililigawan o ‘di kaya ay kasintahan.
Si Patio ay editor ng Theological Centrum Documentation Service, na tumatalakay sa Catholic faith at isyung moral.
Pinaalalahanan ng nasabing Pari ang mga kabataan na isapuso ang tunay na kahulugan ng Simbang Gabi na tradisyon ng mga Filipino tuwing papalapit na ang pasko.
Magugunitang noong Dec. 16 sinimulan ang siyam na araw na Simbang Gabi sa mga Simbahan ng Katoliko sa buong bansa. (Mer Layson)