MANILA, Philippines - Pormal nang binuksan ng Bureau of Immigration (BI) ang immigration area office (IAO) nito sa katimugang Metro Manila bilang bahagi ng decentralization at regionalization programs ng ahensiya.
Kasama ni Immigration Commissioner Nonoy Libanan si Parañaque City Mayor Florencio Bernabe at iba pang opisyal at empleyado ng BI sa pagsaksi sa blessing at inagurasyon ng bagong BI office sa loob ng Neo Chinatown Mall sa Bradco Avenue sa kanto ng Diosdado Macapagal Avenue malapit ng SM Mall of Asia.
Inilarawan ni Libanan ang pagbubukas ng bagong BI office bilang isang malaking hakbang sa hangarin ng ahensiya na i-decentralize ang operasyon nito at dalhin ang serbisyo sa taumbayan at bawasan ang dami ng transaksiyon sa main office nito.
Noong Agosto, binuksan ng BI ang Parañaque satellite office sa pareho ring gusali upang paglingkuran ang mga nangangailangan ng visa at iba pang immigration requirements ng daan-daang Turistang Tsino na namimili sa nasabing mall sa araw-araw. (Butch Quejada)