MANILA, Philippines - Walong kandidato lang sa pagkapangulo ang pinayagan ng Commission on Election na lumahok sa 2010 national election.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, mula sa 99 bilang ng mga kandidatong naghain ng kanilang certificate of candidacy, tanging sina Sen. Benigno
“Noynoy” Aquino III ng Liberal Party, Olongapo City councilor JC de los Reyes ng Ang Kapatiran, dating pangulong Joseph “Erap” Estrada ng UNO-PMP, Sen.
Richard Gordon ng Ba gumbayan, Sen. Jamby Madrigal na tatakbong independiyente, dating Defense Secretary Gilbert Teodoro ng Lakas-Kampi-CMD, Jesus Is Lord (JIL) leader Bro. Eddie Villanueva ng Bangon Pilipinas at Sen. Manny Villar ng Nacionalista Party ang pinayagan na lumahok sa 2010 presidential election.
Walong aspirante din sa pagkabise-presidente ang pinayagan ng Comelec mula naman sa 20 kandidatong nagsumite din ng CoC na kinabibilangan nina
Sen. Mar Roxas ng Liberal Party, Makati Mayor Jejomar Binay ng UNO-PMP, dating Metropolitan Manila Development Authority chairman Bayani Fernando ng Bagumbayan, Sen. Loren Legarda ng Nacionalista Party, Edu Manzano ng Lakas-Kampi-CMD, ang broadcaster na si Jay Sonza ng Kilusang Bagong Lipunan, dating Securities and Exchange Commission chief Perfecto Yasay ng Bangon Pilipinas at Dominador Chipeco Jr. ng Ang Kapatiran.
Sa 158 na naghain ng kandidatura para sa pagka-senador ay 58 lamang ang pinayagang makatakbo sa 2010 senatorial race. Sa susunod na linggo naman ihahayag ng Comelec ang mga kuwalipikadong party list groups.
Tiniyak din ni Melo na agad reresolbahin ng Comelec ang mga petition for disqualification bago tuluyang ipa-imprenta sa Enero ang mga balota na gagamitin sa automated election.
Unang sinabi ni Melo na bibigyan ng tatlong araw ang mga idineklarang “nuisance” candidate na maghain ng kanilang apela sa Comelec.