27 Pinay isinadlak sa prostitution sa UAE
MANILA, Philippines - Naalarma ang Embahada ng Pilipinas sa Dubai sa paglobo ng mga kaso ng human trafficking matapos na umabot sa 27 Pilipina ang halos magkakasabay na humingi ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office makaraang makatakas sa malaking sindikato sa United Arab Emirates.
Mula sa nasabing bilang, umuwi sa Pilipinas ang may 12 babae mula sa POLO sa Dubai.
Una nang napauwi sa Manila ang may siyam na Pinay mula sa 27 kabuuang bilang na nasa POLO noong Nobyembre 27, 2009 at nakapagbigay na ng kanilang salaysay sa National Bureau of Investigation kabilang ang pagbibigay ng mga pangalan ng kanilang recruiters.
Ayon sa isa sa biktima na itinago sa pangalang Shane, nagtungo siya Middle East Travel Agency para sa visit visa at ni-recruit umano siya bilang saleslady nitong Oktubre subalit isinadlak siya sa prostitution den.
Gayunman, nakatakas nitong Nobyembre 12 si Shane at humingi ng tulong sa POLO.
Tatlo pang Pilipina na kabilang sa anim na kababaihang ni-recruit sa Manila bilang sales executives sa Dubai ang inilagay din sa prostitution den nang dumating sa UAE. Nakatakas sila matapos magkunwaring sasama sa kani-lang parokyanong kustomer.
Nalaman ng Embahada na ang 27 Pinay ay magkakasunod na dinala ng nasabing sindikato sa UAE noong Nobyembre, 2009.
Isang Bangladeshi na nakilala sa pangalang Ashraf ang sumundo ng sasakyan sa mga Pilipina mula Dubai Airport at siya ring tumulong at naging instrumento upang mabalik sa kanila ang kanilang bagahe at pasaporte bago tumakas . (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending



















