76 lider estudyante kinilala ni Recom
MANILA, Philippines - Pinapurihan kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang 76 na lider estudyante dahil sa kanilang boluntaryong pamamahagi ng regalo sa mga may kapansanan at inabandonang kabataan sa lungsod.
Ayon kay Mayor Recom, bagaman nakalinya na ang kanilang mga aktibidad bilang bahagi ng paggunita sa Linggo ng Kabataan, mismong ang mga mag-aaral ang nagpasyang isama sa kanilang isang linggong iskedyul ang pagbibigay ng regalo sa mga naturang indibidwal.
Sa pangunguna ng counterpart ni Echiverri na si boy mayor Teddy Toledo ng Sampaguita High School, kanilang niregaluhan ang mga may kapansanang kabilang sa Caloocan City Federation of Persons with Disabilities sa Tala. Sunod dito, kanila namang pinamaskuhan ang mga ini-rescue na streetchildren na kasalukuyang nanunuluyan sa Tahanang Mapagpala Social Adjustment Center sa Bagumbong.
Bagama’t nasa murang edad at kaunti lamang ang panggastos, sinabi ni Echiverri na hindi ito alintana ng mga mag-aaral para makapaghatid-saya sa kapwa at maka-konekta sa komunidad.
- Latest
- Trending



















