MANILA, Philippines - Kasalukuyang iniimbestigahan ng Commission on Human Rights ang ulat na may 200 pang tao ang pinaslang ng pamilyang Ampatuan sa lalawigan ng Maguinda nao.
Bukod pa umano ito sa 57 katao na pinaslang sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23.
“May 200 ang tinitignan namin,” sabi kahapon ni CHR Chairwoman Leila de Lima na nagsabi pa na pinaniniwalaang inilibing sa iba’t ibang mass grave na nakakalat sa Maguindanao ang bangkay ng mga biktima.
Inihayag din kahapon ni Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa na 161 katao ang hinihinalang may kagagawan ng masaker.
Sinabi ni de Lima na may mga saksi sa pamamaslang na ngayon lamang nais na magsalita laban sa mga Ampatuan dahil ang lider nito ay nahuli na dahil sa pagmasaker sa 57 katao noong Nobyembre 23.
Sinabi pa ni de Lima na limang mga police officers na may direktang kinalaman sa mga pamamaslang ang ilan sa mga taong nais na ngayong magsalita laban sa mga Ampatuan.
Si Andal Ampatuan Sr., puno ng pamilyang Ampatuan, ay naging governor ng Maguindanao at na ging tagasunod ni Pangulong Gloria Arroyo mula taong 2001 at isa sa may 62 katao na inaresto makaraang ipairal ang martial law sa Maguindanao kasunod ng masaker noong nakaraang buwan.
Ang anak nitong si Andal Ampatuan Jr. ay nasampahan na ng 25 bilang ng kasong murder.
Noon ay napayagan ng pamahalaan na mag karoon ng private armies ang mga Ampatuan bilang bahagi ng pamamaraan na mawalis ang mga rebeldeng Muslim at insurgency sa Maguindanao at iba pang lalawigan sa Mindanao.
Batay sa impormasyong natanggap ng CHR, ang sinasabing 200 katao ay pinaslang sa pamamagitan ng chainsaw o panglagare ng troso sa loob ng 10 taong pamamayani ng angkang Ampatuan sa Maguindanao.
Ang CHR ay humingi ng seguridad sa PNP at Armed Forces of the Philippines upang magsagawa ng imbestigasyon at paghuhukay sa mga lugar na sinasabing pinagbaunan sa mga biktima ng chainsaw massacre habang ang iba naman ay binistay ng bala at ilan ang buhay pang inilibing sa malalim na hukay na ginamitan ng backhoe.
Sinasabing karamihan sa mga biktima ay inilibing sa mga balwarteng teritoryo ng mga Ampatuan sa bayan ng Shariff Aguak at Ampatuan sa Maguindanao.
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce, may natanggap silang impormasyon na isa sa mga biktima ay ang matagal ng pinaghahanap na si Atty. Arnel Datucon.