Martial Law pagdedebatihan sa Kongreso
MANILA, Philippines - May 18 senador ang tutol sa deklarasyon ni Pangulong Gloria Arroyo ng Martial Law sa Maguindanao.
Nagkaisa sila kahapon na hindi na kailangan ang batas militar para mapanagot sa batas ang mga armadong grupo maging ang pamilya Ampatuan na itinuturong responsable sa pagpaslang sa 57 katao kabilang ang 30 mamamayag noong Nobyembre.
Maghaharap ang 23 Senador at 230 Kongresista ngayong Martes para pagdebatihan ang pagdedeklara ng Martial law sa Maguindanao.
Naniniwala ang mga senador na sapat na ang state of emergency upang lipulin ang sinasabing private armies ng mga Ampataun.
Nagpatawag na rin si House Speaker Prospero Nograles ng all - party caucus para liwanagin sa buong miyembro ng Kamara para desisyunan kung pabor, ibabasura, kakatigan o lilimitahan ang Presidential Proclamation 1959 o martial law sa probinsiya ng Maguindanao.
Dahil kakaunti lamang ang bilang kumpara sa mahigit na 200 kongresista, aminado ang ilang senador na mababalewala rin ang boto nila sa Martial Law sa isasagawang joint session ngayong alas-4 ng hapon sa Batasang Pambasa.
Mismong si Senadora Miriam Defensor-Santiago, ay aminado na mababalewala lamang ang boto ng mga senador kahit marami sa kanila ay naniniwalang hindi dapat idineklara ang Martial Law. (Malou Escudero at Butch Quejada)
- Latest
- Trending