^

Bansa

Korte Suprema dinagsa ng mga petisyon laban sa batas militar

-

MANILA, Philippines - Ilang mambabatas, abogado, militanteng grupo at ibang individual ang nagsampa kahapon sa Supreme Court ng magkakahalintulad na petisyon na kumuku­westyon sa ligalidad ng batas militar na idineklara ni Pangulong Gloria Arroyo sa Maguindanao noong Sabado.

Kabilang sa mga mam­babatas na nagpe­tisyon sina Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo at Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen na nagsabi pa na walang makatotohanang basihan ang pagkakadeklara ng Batas Militar dahil wala naman rebelyon o pana­nakop na nangyayari sa Maguindanao.

Pinabulaanan din ni Dilangalen ang posisyon ng gobyerno na hindi na umiiral ang sistema ng hustisya sa lalawigan kaya ipinailalim ito sa puwersa ng militar.

Kasunod ni Dilanga­len na humiling sa Ma­taas na Hukuman na ipawalambisa ang batas militar sina Atty Sigfrid Fortun na abogado ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr kasama ang isang Albert Lee Angeles dahil umabuso anila sa kapangyarihan si Gng. Arroyo.

Naghain din ng kaha­lintulad na petisyon ang Na­tional Union of People’s Lawyers at ang grupo ni Prof. Harry Ro­que ng University of the Philippines.

Nanindigan ang mga petitioner na hindi na ka­ila­ngan ang batas militar sa Maguindanao na hang­gang ngayon ay nasa ilalim pa rin ng state of emergency na unang idineklara ng Pangulo noong Nobyembre 24, 2009, isang araw mata­pos ang pagmasaker sa may 57 katao sa lala­wigan.

Pinuna nila na hindi naman napatunayan ng pulisya at militar ang pag­kalat sa lalawigan ng mga armadong tao.

Sa Malacañang, si­nabi ni Press Secretary Cerge Remonde na handa ang pamahalaan na ipagtanggol sa Ma­taas na Hukuman ang Proclamation 1959 na nag­pataw ng batas militar sa Maguindanao.

Sinabi pa niya na babawiin ng pamahalaan ang batas militar kapag bumalik ang kaayusan at mabuwag ang lahat ng private armies sa Ma­guindanao.

Idinagdag niya na ka­ilangan munang matiyak na ligtas ang mga testigo at madadakip ang lahat ng suspek sa masaker.

Iginiit din niya na sa Maguindanao lang ipa­pataw ang batas militar.

Naisumite kamaka­lawa ng gabi ng Palasyo ang written report ng martial law sa Kamara at Senado gaya ng naka­saad sa Konstitusyon na dapat iulat ng Pangulo sa loob ng 48 oras matapos itong ideklara. (Doris Franche at Rudy Andal)

ALBERT LEE ANGELES

ATTY SIGFRID FORTUN

BATAS

BATAS MILITAR

BAYAN MUNA PARTYLIST REP

DATU UNSAY MAYOR ANDAL AMPATUAN JR

DIDAGEN DILANGALEN

MAGUINDANAO

MILITAR

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with