Ampatuan army vs government troops... sagupaan na!
MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon, mula nang ideklara ang batas militar sa Maguindanao, nagsagupa ang mga commando ng Special Action Force ng Philippine National Police at ang mga armadong militia ng mga Ampatuan sa lalawigan.
Sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na bandang alas-8:15 ng gabi nang maka engkuwentro ng mga police commandos ang may 20 armadong militia sa Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao.
Dahil sa mga kaguluhan, nagsimulang magsilikas sa mga ligtas na lugar ang mga residente ng lalawigan.
Naganap ang enkuwentro habang nilalansag ng mga awtoridad ang mga armadong grupo ni Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na ang ilang kaanak ay isinasangkot sa pamamaslang sa may 57 katao sa lalawigan noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Verzosa na mahigit 10 minutong naganap ang barilan ng magkabilang panig hanggang mapilitang magsiatras ang mga militia.
Sinasabing may 3,000 armadong militia ng mga Ampatuan ang nagpapa lakas ng puwersa sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao bilang pagpalag umano sa pagkontrol ng militar sa pamahalaang panlalawigan.
Kinumpirma naman ni Justice Secretary Agnes Devanadera na umaabot na sa 70 katao ang nahaharap sa kasong rebelyon kasunod ng pagkakadeklara ng batas militar sa Maguindanao.
Ayon kay Devanadera, mula sa 62 arrested person kamakalawa, walo pang mga suspek ang hawak ngayon ng mga awtoridad kasabay ng ginawang serye ng pagsalakay ng militar.
Tiniyak din ng kalihim na may matibay na ebidensya ang gobyerno para arestuhin si Gov. Ampatuan Sr.
Samantala, isang matinding tactical alliance umano ang binuo ng mga Civilian Armed Groups ng mga Ampatuan at ng Moro Islamic Liberation Front renegades makaraang maganap ang masaker.
Sinabi ni Lt. Gen. Raymundo Ferrer, Martial Law administrator ng Armed Forces of the Philippines, na nakatanggap sila ng impormasyon na humingi na ng tulong sa 106th Base Command ng MILF renegades na pinamumunuan ni Commander Ameril Umbra Kato ang ilan sa mga CVO’s ng mga Ampatuan na sangkot sa masaker.
Kasabay nito, matapos ang ilang araw na pagkakaratay sa hospital, isinailalim na sa kustodya ng militar si Gov. Ampatuan Sr.. Idineretso siya sa Army Hospital sa loob ng Camp Panacan sa Davao City. (May ulat ni Doris Franche)
- Latest
- Trending