MANILA, Philippines - Kinastigo ni Vice President Noli “Kabayan” de Cas tro si Quezon Rep. Danilo Suarez at sinabing “tumingin muna siya sa salamin” at tanungin niya ang kanyang sarili kung may nagawa siyang maganda para sa kanyang komunidad.
Hindi ikinasiya ni de Castro and pangungutya ni Suarez na hindi kayang mamuno ng Bise-Presidente kapag nagbitiw sa puwesto si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos itong magsumite ng kandidatura sa pagka-kongresista ng (2nd district) Pampanga.
Ani Suarez, makasasama ang pamamahala ni de Castro sa panahon ng krisis-pangkabuhayan.
“Ako ang Bise-Presidente at tungkulin ko na maglingkod alinsunod sa Saligang Batas. Kahit may resesyon o wala, ang tungkuling iyan ay dapat tupdin. Ako ay nakapaglingkod na sa Gabinete ng anim na taon. Naglingkod ako bilang senador nang tatlong taon at gayun din sa serbisyo-publiko nang ilang dekada bilang beteranong mamamahayag,” sabi ni de Castro.
Sinabi naman ng ilang mambabatas na si de Castro ay “more than qualified” na maglingkod bilang pangulo nang anim na buwan.
Si de Castro ang noo’y inasahang magiging standard-bearer ng Administration party sa 2010 elections ngunit ang dating “most-trusted newscaster” ay nagpasyang hindi na tumakbo.
Si Suarez ay napabantog din na siyang nag-sponsor ng maluhong hapunan nina First Gentleman Mike Arroyo at entourage ng Pangulo noong bumisita sila sa Washington D.C. (Butch Quejada)