Korte sa Maguindanao hindi paralisado! - SC
MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ng tagapagsalita ng Korte Suprema ang naging pahayag ng Malakanyang na paralisado ang ‘judicial system’ sa Maguindanao.
Sinabi ni Atty. Jose Midas Marquez na hindi totoo na walang kumikilos na hukom sa Maguindanao dahil bukas at nananatili umano sa pagganap sa kanilang tungkulin ang mga hukom dahil may itinalaga silang hukom na hahawak sa kaso ng Maguindano massacre doon.
Una nang sinabi ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera at ng Mala kanyang na isa sa basehan sa pagdedeklara ng martial law sa Maguindanao ang kawalan ng mga hukom at hindi paggalaw ng judicial system doon kaya hindi sila makakilos dahil walang paghahainan ng mga mosyon at search warrants dahil sa takot umano sa mga Ampatuan.
Ipinaliwanag ni Marquez na patuloy pa rin sa pagtanggap ng mosyon at pag-iisyu ng court orders ang mga hukom, matapos ang brutal na masaker.
Sinabi pa ni Marquez na bagama’t doble ang pag-iingat ng hukom upang tiyakin ang kanilang seguridad ay hindi naman sila huminto na gampanan ang kanilang mga tungkulin. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending