MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ni ret. Major Gen. Jovito Palparan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) umano ang nag-supply ng mga matataas na kalibre ng baril at mga bala sa maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na nangyari sa nakalipas na mga dekada.
Gayunman, kumambyo naman si Palparan na ang pagsu-supply ng mga armas ng AFP sa mga Ampatuan ay kaugnay ng pinalakas na anti-insurgency campaign ng gobyerno laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Central Mindanao.
“Andal Ampatuan Sr. (Maguindanao Governor ) has been helping the government against the MNLF and the MILF. Their contribution to fight the rebels has been greatly taken into consideration by the government. If the military supplies were found in their armory, it’s more because of their involvement in the fight”, pahayag ni Palparan.
Sinabi ni Palparan na sa katunayan ang pagtatag ng mga CAFGU’s at Ci vilian Volunteer Organization ay bahagi rin ng pagpapalakas sa mga Ampatuan upang masupil ang mga kalaban ng estado.
Ang ilang maiimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan ang itinuturong mastermind sa malagim na masaker ng 57 katao kabilang ang 30 mediamen sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23.
Sinabi ni Palparan, bagaman maganda ang hangarin ng pamahalaan ay nagkaroon ang mga ito ng pagkukulang at kamalian kung saan nagresulta ito sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga Ampatuan.
Aniya, may mga pagkakataon na naluluma at pumapalya ang mga bala at mga baril ng mga Ampatuan kaya dumami ng dumami ang supply ng mga ito buhat sa militar.
Sa raid na isinagawa ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa mansion ng mga Ampatuan at sa lugar na malapit sa premises ng compound ng mga ito sa Shariff Aguak, Maguindanao umpisa pa nitong Huwebes ng hapon ay bultu-bulto ng mga armas, bala at mga camouflage uniform ang narekober ng mga awtoridad.
Nakita dito ang mga kahon na may markings ng Department of National Defense (DND) at maging ng PNP.
Ang nasabing armory ayon kay PNP Chief Director General Jesus Verzosa ay sapat upang masuplayan ang isang batalyon o 500 puwersa. (Joy Cantos)