MANILA, Philippines - Mas maraming kandidato ang naghain ng certificate of candidacy (COC) ngayong taon kumpara noong 2004 presidential elections.
Ayon kay Atty. Ferdinand Rafanan, director ng Comelec Law Department, simula noong Nobyembre 20 hanggang nitong hatinggabi ng Disyembre 1, umaabot sa 99 na aspirante sa pagka-pangulo ang naghain ng COC na mas mataas ng 15 kumpara sa 84 lamang na naghain ng COC noong 2004.
Umabot naman sa 20 ang naghain ng COC para sa pagka-bise presidente, na mas mababa rin naman kumpara sa 21 noong 2004 elections, habang tumaas din ang bilang ng mga interesadong tumakbo sa senatorial race, na umabot sa 158, kumpara sa 88 noong 2004.
Nabatid na ang kahuli-hulihang nag-file ng COC ay si Manuel Po, na dumating sa Comelec eksakto alas-12 ng hatinggabi. Tinanggihan noong una ng mga em pleyado ng Comelec na tanggapin ang COC nito dahil magsasara na ang tanggapan ngunit malaunan ay pinayagan na rin ito.
Kasabay nito, inamin naman ni Rafanan na hindi lahat ng naghain ng COC ay mapapayagang tumakbo sa 2010 polls.
Batay sa pagtaya ni Rafanan, 25 lamang sa presidentiables, 15 sa VP aspirants at kalahati lamang ng mga senatoriables, ang kuwalipikadong makalahok sa halalan.
Sa datos ng Comelec, aabot sa 17, 888 na government seats ang nakatakdang punan sa darating na eleksyon.
Kabilang dito ang tig-isang slot sa pagka-Pangulo at pangalawang Pa ngulo, 12 sa Senado, 222 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, 80 sa pagka-Gobernador at Bise-Gobernador, 762 provincial board members; 120 city mayors at vice mayors; 1,514 municipal mayors at vice mayors; 1,346 city councilors; at 12,116 para sa municipal councilors. (Mer Layson)