MANILA, Philippines - Tatlong itinuturing na hari sa kani-kanilang larangan ang nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Nacionalista Party standard bearer Sen. Manny Villar sa ginanap na proclamation rally ng NP sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa nag-endorso kay Villar na naghain na rin kahapon ng kanyang certificate of candidacy sa Commission on Elections ang King of Comedy na si Dolphy, King of Noontime Show na si Willie Revillame at King of Billiards na si Efren “Bata” Reyes.
“Tulad ni Manny Villar, ako po ay laking-Tondo. Diyan sa kanto ng Moriones at Sta. Maria, diyan ako naglalaro, diyan ako lumaki,” ayon kay Dolphy. Ipinaliwanag ni Dolphy na dapat iboto ng mahihirap at ng lahat ng mamamayan si Villar dahil huwaran ang senador sa pagsusumikap na umunlad sa sarili upang marating ang kanyang mga naging pangarap noon habang lumalaki sa Tondo.
Kasunod nito, sinuportahan din ni Revillame ang kandidatura ni Villar sa pagsasabing “kahit magalit ang sinuman bukas nakasuot ako ng orange” sa kanyang noontime show na Wowowee.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Reyes na nararapat lamang na suportahan at iboto si Villar dahil natatangi siya sa lahat ng pulitiko na tumutulong at sumusuporta sa bagitong bilyarista.
“Alam ninyo, kahit kinakabahan ako, pinilit kong magsalita sa inyong harapan upang suportahan si Sen. Manny Villar dahil alam kong malaki ang maitutulong niya sa sports partikular sa bilyar dahil natatangi siyang pulitiko na tumutulong sa maliliit at bagitong bilyarista,” sabi pa ni Reyes.