BIR, LTO nagkasundo sa TIN

MANILA, Philippines - Lumagda sa isang memorandum of agreement kahapon ng umaga ang Bureau of Internal Revenue at Land Transportation Office para sa pagpapairal ng dagdag requirement na tax identification number (TIN ) sa pagkuha ng drivers license at rehistro ng mga sasakyan sa LTO sa ilalim ng Executive Order 98 na layuning kunan ng TIN ang lahat ng aplikasyon sa gob­yerno tulad ng permit, lisensiya, clearance at mga dokumento.

Sa isang simpleng seremonya, sinabi ni BIR OIC Commissioner Joel Tan–Torres, ang programang ito ay isa lamang sa agenda ng pamahalaan na layuning higit na mapabuti ang serbisyo ng pamahalaan sa publiko partikular sa mga motorista.

Umaasa naman si LTO Chief Arturo Lomibao na sa pamamagitan ng programang ito, aabutin ng P1 Bilyon ang dagdag na kita ng ahensiya na mapupunta sa National Treasury mula sa mga pagkuha ng drivers license at iparerehistrong mga sasakyan kasama na ang mga Vintage cars at second hand vehicles.

Nilinaw din ni Lomibao sa ilalim ng EO 98, exempted naman dito ang mga indibidwal na walang ugnayan sa negosyo tulad ng mga kabataan, mag-aaral, house­helpers, housewifes, balikbayans maliban na lamang kung sila ay kukuha ng non-professional drivers license. (Angie dela Cruz) 

Show comments