MANILA, Philippines - Kinatatakutang mas dumanak pa ang dugo sa pag-uubusan ng lahi sa pagitan ng lahi ng Ampatuan at Mangudadatu dahil sa malagim na massacre na ikinamatay ng mahigit 50 katao sa Maguindanao noong Lunes.
Ito ay matapos na madiskubreng maraming kaanak ang mga Ampatuan na miyembro ng Moro National Liberation Front habang karamihan naman sa mga kaanak ng Mangudadatu ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front kaya inaasahang ma kikisali ang mga ito sa nagaganap na “gulo” sa dalawang political war lords.
Bunsod nito, inalerto ni Armed Forces of the Philippines Vice Chief of Staff Lt.Gen.Rodrigo Maclang ang militar para mas lalong maghigpit ng seguridad sa Maguindanao para mapigilan ang nakaambang “ubusan ng lahi” sa pagitan ng mga ito.
Magugunita na dinukot at pinatay ng 100 tauhan umano ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan ang convoy ng misis ni Vice Mayor Ismael “Toto” Ma ngudadatu na si Genalyn, kasama ang halos 37 miyembro ng media at iba pang mga supporters nito para maghain ng Certificate of Candidacy, kaya naman agad na isinailalim sa state of emergency ang nasabing lalawigan, Sultan Kudarat at Cotabato City at pinalakas ang checkpoint dito.
Umabot na sa 57-katao ang narekober na mga bangkay sa mass grave na hinukay ng mga suspek sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao malapit sa kuta ng MNLF. Gayunman, patuloy na nangangalap ng ebidensiya ang mga otoridad sa crime scene para mapatawan ng parusa ang utak ng nasabing massacre.
Samantala, sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) forensic experts ang pagsasagawa ng awtopsiya sa mga bangkay upang makakuha ng pisikal na ebidensiya at madetermina ang sanhi ng pagkamatay nila, kung malapitang pinagbabaril, ano ang ginamit na armas at kung paano sila pinatay.
Sinabi ni Deputy Director for Technical Services Atty. Reynaldo Esmeralda na kahapon pa dumating sa carnage site ang kanilang mga doctor at technical staff at may tatlo pa umanong magtutungo roon, bilang karagdagan sa naunang five-man team.
Private armies pinadidisarmahan
Samantala, nanawagan din si Senator Rodolfo Biazon na dis-armahan ang mga private armies sa naturang lalawigan. Aniya, dapat tanggalan ng private armies ang mga politiko dito dahil ang mga ito ang unang naghahasik ng karahasan sa mga sibilyan.
Sinabi pa ni Biazon na bigo ang Malacañang na ipatupad ang mga hak bang para maiwasan ang karahasan gayung alam nito ang kaguluhan sa Mindanao.
Aniya, isang kaduwagan ang sabihing hindi kaya ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police na dis-armahan ang mga private armies sa bansa.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na sa Senado ang naganap na massacre.
National day of mourning
Nagdeklara na rin ng national day of mourning si Pangulong Arroyo bilang simpatya sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Siniguro din ng Pangulo sa pamilya ng mga biktima na mabibigyan sila ng hustisya kasunod ng mabilis na pag-uutos sa local crisis management committee na pinamumunuan ni Sec. Jesus Dureza na resolbahin kaagad ang nasabing karumal-dumal na krimen. (Dagdag ulat ni Malou Escudero/Rudy Andal)